Poetry · May 23, 2023

See Saw

Sabi ko sa sarili'y kailangan nang wakasan;
Di na dapat magpatuloy ang pagbuhos ng ulan.
Akin na ngang lilimutin pait ng nakaraan;
Pati hinagap kong bahaghari sa kalangitan.
Ngunit bigla na lang sarili ko'y nasumpungan;
Nakamasid sa alapaap sa dating kanlungan.
Paglalim nitong gabi ay hindi namamalayan;
Tila ako'y nasasabik bumalik sa kawalan.
At 'di nga naglaon unti-unti kong naramdaman;
Higpit ng pagkagapos, tanikala sa isipan.
Muling nahulog sa bitag sa isang kumpas lamang;
Lango sa pagnanasa na langit ay makakamtan.
Ngunit ako na ay gigising sa pagkakahimbing:
Sa aking mga mata aalisin itong piring.
Kahit 'di tuwid ang lakad, bukas ay haharapin;
Ang dulo man ng walang hanggan aking mararating.