Devotionals · April 24, 2023

Biyaheng Langit

Makulay at madaming mukha ang jeepney. May stainless, may kulay pula, bughaw, dilaw at puti. May kulay orange din na alam mong malayo na ang biyaheng tinakbo nito at sinubok ng panahon. Mayroong kurtina ang iba, may nasakyan na din ako na may aircon pa! Meron namang bukas na bukas talaga at sagap mo ang sari-saring simoy ng hangin. May nag-install ng sound system at mararamdaman mo ang kabog ng malakas na bass sa dibdib mo. Nito lang ay may nabasa ako tungkol sa jeep na may videoke at libreng wifi pa. Masasabi nating ang katangian ng jeep ay nakabase sa nagmamay-ari o ng driver nito, kung papaano niya rin inaalagaan ang kanyang sasakyan.

Makukulay na mga Jeepney

“Lalakad na”, sigaw ng barker. “Tig-isa pa sa magkabila. Sakay na!” Iba’t-ibang sagot at reaksyon ang maririnig:

“Hinihintay ko pa po ang kasama ko.”

“Tatlo po kami.”

“Masikip na po. Di na kami kakasya d’yan.”

Madaming dahilan na kung tutuusin tama naman. Bakit tayo sasakay sa jeep na masikip at di naman tayo komportable? Ngunit paano kaya kung ito na ang last trip papuntang langit? Siguro kung nalalaman lang natin ito, kahit sumabit lang o sa bubong na sumakay, gagawin natin.

Pwede ang sabit!

Mapalad tayo ngayon na nakikipagsiksikan sa jeep na ang driver ay alam kung saan tayo dapat dumaan – ang Panginoong Hesus. Maaaring malubak man ang madaraanan pero nakasisigurado tayo na tama ang destinasyon natin. Maaaring bulok man ang panlabas ng jeep ngunit sa loob madarama mo ang pag-ibig.

Mabuti ang Diyos. Isa din ako sa mga tao na kumutya sa gawain ng Diyos (dati). Naalala ko pa na lagi kong tinatawag na “pastor” ang kaibigan ko na siya ring nagamit para mamulat ako. Hindi ko namalayan na nakaupo na din ako sa lugar kung saan siya nakikinig ng Salita ng Diyos kapag Linggo. Naalala ko pa na may taong malapit sa akin na sinisi ang kaibigan ko at nagkaroon ako ng ibang direction sa buhay. Tila ba isang malaking pagkakamali ang ginawa niya na ipinakilala sa akin si Kristo.

Maaaring nakaranas din tayo ng persecutions dahil sa pagsunod sa Diyos. But in due time, aanihin natin ang bunga ng mga pagpapagal natin.

“Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Mateo 5:11‭-‬12

Kaya kapag tinawag ng Diyos sa anumang gawain para sa Kanya, sakay na!