Poetry · April 8, 2023

Kanlungan

Paghaplos nitong hangin sa aking mga pisngi,
Nagsisilbing pang-aliw sa gitna ng paghikbi.
May kasamang tinig, “tahan na”, ang kanyang sabi,
“Pagsikat ng araw pawi na ang dalamhati”.

“Halika!”, ang kanyang yaya, “ihakbang mga paa,
Kita’y idadako kung saan mapapayapa.”
Kahit na hindi nasa, ako ay tumalima;
‘Di man alam ang punta, ako’y nagpaubaya.

Hindi ko namalayan, unti-unting paglamig;
Ang init ng paligid ay bigla nang nadaig.
Aking hinihintay, kanyang susunod na himig;
Ngunit kahit na pagbulong ay ‘di na marinig.

Ako’y tumingala, “tapos na nga ba ang unos?”
Ngunit nagbabadya ang muli niyang pagbuhos.
Nais kong malaman at maunawaang lubos,
Ngunit tinig ng puso, tuluyan nang namaos.