Muli, ako ay narito, ako’y napaupo;
Pagod ang isipan ngunit ito’y mapaglaro.
Tila sa isang iglap ako’y maglalaho;
At sa kawalan kanya akong idadako.
Muli, ako ay narito, nakamasid sa liwanag.
Ano bang taglay niya’t pilit kong inaaninag?
Kaya’t nalimutan yaring aking bagabag,
Kahit panandalian, loob ko ay lumuwag.
Muli, ako ay narito, inilipat ang paningin;
Anaki ko ay mga rehas, ako ay inangkin.
Ibig ipahiwatig dapat ko pa bang alamin,
O sa taglay niyang lakas ay hayaang lukubin?
Muli, ako ay narito, biglang napangiti.
Pag-ihip nitong hangin, dama sa’king pisngi.
Haplos ng mga palad ganito ba ang pagdampi?
Lambing ng kanyang tinig, baon ko sa pag-uwi.

Recent Comments